Sunday, November 29, 2009
Ang Nakalipas na Anim na Buwan
Sunday
11:08pm
Pagbabagong naganap.
Makalipas ang anim na buwan, masasabi kong isa na akong ganap na bagong ako. Bago sa pag-uugali. Bago sa pamnanamit. Bago sa pakikitungo sa tao. Bago sa pag-inda ng problema. Sabi nila mahirap magbago. Oo, inaamin ko, mahirap talaga. Lahat ay takot sa pagbabago. Lahat ay takot na umalis sa kanilang comfort zone. Pero sabi nga sa episode ng House: "Change is good. Embrace it."
Hindi ko rin alam kung saan ako dadalhin ng mga pagbabagong ginagawa ko sa aking buhay. Pero ang sigurado ako: Maikli ang buhay para manatili ako sa loob ng aking kahon; maikli ang buhay para hindi ko subukan na gawin ang iba pang mga bagay. Life has many things to offer and I am grabbing all the opportunities.
Pasan at lakas.
Ang problema, constant na 'yan. Hindi mawawala 'yan. Kahit na ang mga propeta ay hindi exempted sa ganitong mga pagsubok. Mahirap talaga. Kung ganito ang kaso, ang tanging hinihiling ko na lang kay Bro ay mabigyan pa Niya ako ng mas malakas na likod upang kayanin kong pasanin ang mga dagok sa buhay. Itinataas ko na rin sa Kanya ang lahat ng aking pasanin sa buhay. Kaw na po bahala Bro.
Si Bro at si Ako.
Sa ngayon, ito na lang ang aking pinaniniwalaan. Si Bro lang ang nakaiintindi sa akin ngayon. Siya ang nagbibigay sa akin ng karunungan para sa aking mga pagdedesisyon sa buhay. Siya na. Siya na lang talaga.
Ini-enjoy ko na lang ang nalalabing araw ko rito sa mundo.
Naisip kong gawin ang blog dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari sa aking buhay sa mga nakalipas na araw. Mga napabayaan. Mga maling pag-iisip. Lahat ng kamalian. Isa pa rin akong hilo't litong indibidwal na pilit bumabangon at nagpapalakas. Bawat araw ay pagsubok. Pero kakayanin pa! Kakayanin pa!
Tuesday, July 14, 2009
Chasing happiness
Chasing happiness
Kalungkutan? Uso 'yan! Malamang sa malamang na isang beses sa buhay mo, dumaan ka sa punto na animo'y puro kadiliman na lamang ang nakikita mo. (Maaari ngang habang binabasa mo ito ay siya rin namang patuloy na pagtangis ng iyong kalooban dahil na rin sa dinadala mong problema.) Kumbaga, dumaan ka at naranasan mong pagmasdan ang kawalan ng kulay sa iyong buhay. Sa mga puntong ganito, puro katanungan na lamang ang nasasambit ng iyong bibig. "Bakit ko dinaranas ito?" "Deserve ko ba ito?" "Bakit? Bakit?" May mga katangahan din namang naiisip ng iyong kautakan. "Gusto ko nang mamatay!" "Ayoko na!" "Suko na ako!" "Huhuhuhu."
Ano nga bang bumabagabag sa'yo? Marami? Anong solusyon? Hanapin mo ang iyong kaligayahan.
May tinago akong mensahe sa aking cellphone patungkol sa happiness. (Galing ito sa itinuturing kong isa sa pinakamalalapit at pinakamalulupit na tao sa aking buhay.) Sabi sa text: "Happiness is a very subjective factor in one's life. Being happy doesn't depend on achieving what you want, but making the best out of what is given. Life isn't fair; it never was. The only thing that can make you completely happy is contentment. Be contented on what you have, but be sure to aim high and never stop believing you can do better everytime. But if all else fails, don't forget that an ordinary you has an extraordinary God to back you up."
Oo. Tama ang text. Hindi lang ako sang-ayon sa pag-iisip na sa araw lamang ng kagipitan, tsaka tayo tatakbo o iisiping nariyan si Papa God. Sa oras man ng kasiyahan, kagipitan o kung ano mang sitwasyon na naroon tayo, nariyan Siya palagi. Kulang lamang tayo sa pananampalataya. Kung matatagpuan mo ang kaligayahan sa piling ng Niya, wala ka nang hahanapin pa.
Nasa sa atin talaga ang kasagutan. Tayo mismo ang nagpapakumplika ng mga bagay. Nasa sa atin kung nanaisin nating patuloy na pahirapan ang mga sarili natin. Pwede mong unti-unting patayin ang sarili mo sa pamamagitan ng palagiang pag-iisip sa mga nakapagpapalungkot na mga bagay o mga nakapagpapabagabag na mga nakalipas.
"
Maikli lang ang buhay para patuloy na aksayahin ang ating panahon sa kalungkutan at mga nakapanghihinang nakaraan. Huwag mong sayangin ang mga sandali. May panahon ka pa.